top of page

Trip to Recto

Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Lei matapos magsara ang otomatikong pinto ng tren. "Sa wakas." Naisatinig niya. Lunes iyon ng umaga, wala silang pasok pagka't ipinagdaraos ng Sintang Paaralan ang kanilang ika-isang daan at labing tatlong taong anibersaryo ng pagkakatatag. Napagpasiyahan nila ni Nicole at Jasmine pumunta sila sa Divisoria upang mamili ng kung ano ano, paraan na rin ng pagtakas nila sa nakakapagod na gawain sa eskwela. Magwalwal kumbaga pero lowkey muna dahil pare-pareho silang nagtitipid. Hindi alintana ni Lei ang katabing lalaki, nakangangang natutulog marahil ay kulang ito sa tulog, ang ikinasama nga lamang ay amoy inidoro ang hiningang lumalabas mula sa bunganga nito. Dumantay siya sa upuan at ipinatong ang nananakit na ulo sa babasaging bintana ng tren, nakalihis malayo sa nagsusumigaw na amoy ng katabi at pilit winawaksi sa kanyang isip ang mga nakaabang na deadline ng gawain sa eskwela. Namalayan niya na lamang na siya ay nakaidlip ng marinig niya na sila paparating na sa Cubao. Sa kasamaang palad, katabi pa rin ang lalaking natutulog. Nabawasan ang pasahero, ngunit napalitan din agad agad ito ng mga bagong sakay. Siksikan na kumpara kanina. Papasara na ang pinto ng tren ng biglang nakalusot pa ang huling pasahero. Taong pamilyar at hindi malilimutan ni Lei sa puso't isipan. Matangkad, katamtaman ang hubog ng katawan at mestizo ang balat. Halatang anak mayaman suot pa lang ang uniporme ng eskwelahang pinapasukan. Nakadantay ito sa bakal na poste ng tren habang kagat kagat ang biniling burger sa McDo. Hindi maiwaglit ni Lei ang kanyang paningin mula sa lalaki lalo na't bumabalik sa kanyang isipan ang mga alaalang dapat ay matagal niya nang kinalimutan. Dahil sakit lamang ang idinudulot nito sa kanya. "Hoy Leitot, kumain ka nga ng marami, 'lika libre kita sa McDo." "Ang gaan gaan mo na! Para kang balahibo ng manok, konti na lang liliparin ka na ng hangin!" "Kumakain ka pa ba? Wag mo ngang pinapagod sarili mo." Huli na nang naiiwas ni Lei ang kanyang paningin mula sa lalaki. Nahuli na siya nitong nakatingin sa kanya- mali, nakatitig pala. Ngumiti ito sa kanya, halata pa rin ang masiyahin nitong personalidad. Parang isang manyika na punong puno ng enerhiya ang baterya, walang pagsidlan ng kakulitan. Ngumiti naman siya pabalik. Pilit. Akala niya ay doon na magtatapos ang kanilang interaksyon, akala lang pala. Matapos bumaba ang mga kasabayang pasahero sa stasyon ng Betty-Go ay lumapit ito sa kanyang inuupuan ngunit nanatiling nakatayo. "Hi Ellaine." Tila nabingi ang kanyang tenga sa sandaling iyon dahil wala siyang ibang narinig kundi ang pagbati nito. Wow, Ellaine. Wika niya sa kanyang isipan. Hindi na Leitot, whole name basis na pala. Parang tinaga ng itak ng ilang beses ang kanyang puso sa naisip. Low blow naman, sakit bes. Gayunpaman, mabilis pa ring tumitibok ang puso niya sa kaba. O ibang dahilan, at ito ay dahil mahal niya pa rin ito. "Hi Seb" ani Lei, "bastian." pahabol niya. Muntikan niya ng masabi ang Seb, tawag niya dito noong sila pa. Pasimple niyang kinurot ang palad dahil sa katangahan. Gumising ka na Ellaine, walang kayo at lalong di naman naging kayo. Dinadaga na naman siya! Bagay na ayaw niyang maramdaman dahil bumababa ang tingin niya sa sarili. Argh. "Kamusta na?" Dagdag ni Sebastian. Ramdam na nga ang pagka ilang nila sa isa't isa pero nagbubukas pa ito ng usapan o baka naman siya lang ang nakakaramdam niyon. Nakakainis ka! Leche! At kung anu-anong mura na ang nabigkas niya sa isip bago sabihing, "okay naman." "Ah." Sagot naman ng huli habang tumatango, parang di pa kumbinsido sa sinabi ni Lei. "Wala kayong pasok?" Tanong niya uli. "Wala." Aniya. "Bakit?" Di na napigilan ni Lei ang sarili. Napairap na siya rito. Mahina namang napatawa si Sebastian. "Hindi ka pa rin nagbabago, pala irap ka pa rin. " "Di ka pa rin nagbabago, loko loko ka pa rin." Pabalik niyang sagot. "Usap tayo minsan, di ka na active sa GC e. " si Sebastian. "Ha? Ano naman pag-uusapan natin?" Tanong ni Lei. "Catch up ganun. Wala na ako balita sa'yo e." Ayaw niya aminin na kinilig siya ng konti sa tinuran ni Sebastian. Konti lang naman, konti. Hindi niya na maaalala ang dahilan kung bakit nagtapos ang relasyon nila. Ay oo nga pala. Hindi naging sila. M.U. gan'on, malabong usapan ika nga. Apat na taon din ang tinagal. Ngunit hindi naging opisyal. Walang pinanghahawakan. Pero parehong may pagkakaintindihan, isang unspoken treaty kumbaga. "Ah, sige lang." Sabi niya sabay ngiti. Hindi na pilit. Natapos ang usapan nila ng dumating na sa stasyon na bababaan si Sebastian, sa Legarda. Taga-Beda kasi ito. Parang ang bilis pero ang bagal ng pagtakbo ng oras sa tren. Napakabilis ng byahe ngunit bumagal ito ng nagkausap sila ni Sebastian. Magulong isipin pero iyon ang nararamdaman niya sa mga oras na 'yon. Parang bitin. Pero dapat ng tumuloy sa pupuntahan. "Alam mo para kang araw. Sa dinami-rami kasi ng bituin sa kalangitan, ikaw lang ang nagsisilbing liwanag sa mundo ko. Madilim 'pag wala ka." Minsang sabi sa kanya ni Sebastian. Ngunit napag-isip isip niya, totoo ba ito? O isa lamang ito sa kalokohan ng lalaki. Masakit kung sasabihing isa lamang ito sa kanyang kalokohan. Minahal niya kasi ito ng sobra at hindi ito magbabago. Katulad ng isang dahon, paulit-ulit mang mamatay may panibagong tutubo. Walang katapusan, maliban na lamang kung huhugutin mo ito sa pinakaugat na napakahirap gawin. "Arriving at Recto station. Paparating na sa Recto station."

Featured Posts
Recent Posts
Archive
Search By Tags
No tags yet.
Follow Us
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square
  • Google+ Basic Square
bottom of page