Hindi Na Dapat Pinasok Pa
Tatlumpu’t dalawang araw na ang nakalipas, sa mismong pwestong ito, ikatlong upuan sa tapat ng bahay ni Mabini sa PUP, huli tayong nagkasama. Ako’y nakatulala sa kay gandang kalangitan na tila di maubusan ng bituin, mga bituing mistulang nagniningning diretso sa atin. Napansin kong ika’y balisa, hawak ang paborito nating Angel’s burger. Higit isang buwan na ngunit batid ko pa din ang mga salitang huli mong binanggit, “Dan, may hindi tama sa ginagawa natin.” Ako’y napalingon sa iyo, at patuloy na nakinig. “Gusto kong itigil na natin kung ano ang mayroon tayo, hindi ko man masabi sa iyo ngayon ang dahilan, alam kong balang araw iyong mauunawaan.” Nang mga panahong iyon hiniling kong mali ang narinig ng aking mga tenga, na sana ako’y nabingi nalang bigla.
Hindi na ako nakapagsalita, ang luha ko’y nagsimulang bumagsak kasabay ng mga dahon ng narra, habang pinagmamasdan kang mawala sa kumpol ng mga estudyante’t gurong pauwi na. Di makagalaw sa kinauupuan, tila hinampas ng itak sa dibdib, parang bateryang nawalan ng enerhiya, mistulang bituing madilim naubusan ng dahilan upang magningning.
Ngayon alam ko na ang makapanindig balahibong dahilan ng iyong paglisan. Dahilang hindi ko na dapat lakas loob na inalam. Masakit sa damdamin, nais kong tumalon sa bintana dahil sa iyong alaalang di mabura sa aking sistema, tila makulit na dagang nais itapon ng may bahay dahil sa di matigil ang pagtakbo sa ibabaw lamesa. Ang mahaba mong buhok, ang makinis mong balat, ang singkit mong mga mata, ang matangos mong ilong, ang manipis mong labi na kumukompleto sa maamo mong mukha, ang pangalan mong di ko kayang kalimutan. Kung pwede lang ipaanod sa inidoro ang mga alaalang ito, matagal ko nang ginawa. Makalimutan lamang na ako’y nahulog, nabighani, at umibig sa aking mahal na pinsang si Maria.